Ilang araw pa lang ang nakararaan ng umuwi ako sa aming probinsya upang makiramay sa aking kaibigan na nawalan ng kanyang mahal sa buhay, at aking na obserbahan pa rin ang mga pamahiing ito.
Alam ko naman na walang masama sa pamahiin subalit ang nakakapagtataka lang (at medyo nakakatawa) ay kung bakit hindi nila maipaliwanag kung bakit ito dapat gawin at sundin.
Ito ang mga listahan nga mga pamahiin na aking napag ukulan ng pansin mula pa sa aking pagkabata.(Ang iba po dito ay hindi ko na obserbahan mga sa huling lamay na aking napuntahan subalit itulot nyo na ito ay maisama ko sa aking pagbabahagi.)
Pamahiin Kapag May Patay
1 .Bawal magsuklay ng buhok sa lamay - Malas raw.
Ito lang ang nakuha ko na paliwanag. Paano pag mukha ka ng bruha? Baka ang mga nakikiramay na nag matakot sayo. :-)
2. Bawal maligo sa bahay kung nasaan ang lamay - Malas raw.
Ito na naman ang dahilan .. Subalit ng ako ay magsaliksilk sa tulong ng aking kaibingang si google, baka raw ang dahilan ay dahil puyat ang mga tao sa pagbabantay sa patay. Bawal maligo dahil puyat, baka sila magkasakit at sumunod na mamatay.
3. Bawal magwalis - Dahil itinataboy mo raw ang kaluluwa ng namatay at isinasama mo sa kanya ang kaluluwa ng kanyang mahal sa buhay.
Paano kung masyado ng marumi ang inyong bakuran? Bawal pa rin?
Makwento ko lang...Nagwalis ng bahay namin ang aking pinsan ng namatay ang aking ama at buhay pa naman kaming lahat kahit mahigit sampung taon na ang nakakaraan.
4. Bawal matuluan ng luha ang patay at ang kabaong - Para raw hindi mahirapan ang namatay sa kanyang paglalakbay sa kabilang buhay.
Pinagalitan ako ng tiyahin ko nuong bata pa ako ng dahil dito. Bawal daw. Pero hindi naman niya ipinaliwanag kung bakit. Kaya kapag may patay dapat lagi ka may panyo para sigurado na sa panyo mo lang mapupunta ang luha mo.
5. Maglagay ng sisiw sa kabaong kapag ang yumao ay namatay sa krimen - Para raw makunsenya ang mga ay sala. Hindi sila patatahimikin ng huni ng mga sisiw.
Siguro kung totoo ito eh sana marami ng sumuko na kriminal. (O baka naman sanay na ang kriminal sa huni ng sisiw :-) kaya hindi na sila nababagabag at nabubulabog.
6. Dapat bantayan 24/7 ang patay . Bawal matulog ang bantay - Dahil kapag natulog daw ang bangkay ay darating ang aswang at papalitan ng katawan ng saging ang bangkay. Hindi mo raw malalaman na napalitan ang bangkay sapagkat kamukha na ng bangkay ang puno ng saging na nakalagay sa ataul. Subalit kapag idinaan mo ang bangkay sa bintana (ilalabas ng bahay pero sa bintana idadaan) ay magbabagong anyo ito at magiging saging uli.
Hindi ko po ito kathang isip lamang. Dati kong kaopisina ang nagkwento nito sa akin.(ewan ko kung saan naman nya nakuha ang kwento)
7. Huwag mag uuwi ng pagkain galing sa patay - Bawal daw.
Naisip ko lang, baka maraming nag te-take out kaya naisip nila na ipagbawal.. may dine-in na, may take out pa :-).
8. Dapat may rosaryo sa kamay ng namatay. Pinapatid ang rosaryo at inaalis sa bangkay bago ito ilibing - Para raw maputol na ang kamatayan at wala ng sumunod sa pamilya kaya pinuputol ang rosaryo.
Ilang tao ang napagtanungan ko bago may nakapagsabi ng dahilan kung bakit dapat putulin ang rosaryo. Buti na lang alam ng taga punerarya ang sagot.
Pero tanong lang uli.. Di ba banal ang rosaryo para sa mga Katoliko? Bakit ito puputulin kung banal ito? Ano ang gagawin nila sa rosaryo pagkatapos?
9. Bawal magpasalamat ang namatayan sa mga nakikiramay - Baka raw ang isipin ng ibang tao ay nagpapasalamat ka dahil may namatay sa inyo.
Hindi ko medyo maintindihan ang lohika nito. Kung ikaw ang nakikiramay, bakit mo naman iisipin na nagpapasalamat sila dahil namatay ang mahal nila sa buhay?
10. Bawal ihatid sa labas ang nakikiramay - Basta malas daw. Bawal. Period.
Paano kung madilim sa labas at gusto mo lang makasiguro na makakauwi sya ng ligtas?
11. Bawal mag suot ng pula. - Ang pula ay kulay ng kasiyahan kaya bawal itong soutin habang nagluluksa.
Tama lang ito para sa akin. Dapat ipakita mo sa namatayan ang itong pakikiramay maging sa iyong kasuotan.
12. Bawal bumalik ang mga tao na nakalabas na ng bahay kapag nailabas na ang bangkay (sa bahay). Ibilin na lang sa mga nasa bahay pa ang bagay na naiwan. - Para raw wala ng sumunod na mamamatay sa pamilya.
Pero paano kapag importanteng bagay ang naiwan at lahat ay nakalabas na sa bahay?
13. Bawal lumingon sa bahay na pinagburulan. - Deretso lang ang tingin ng lahat. May susunod daw na mamamatay sa pamilya kapag may lumingon.
Hindi kaya sumakit ang leeg ng mga nakikiramay?
14. Dapat malinisang mabuti ang bahay na pinagburulan ng bangkay bago pa makauwi ang mga kamag anak na nakipag libing. - Para raw matanggal lahat ng malas at mga masamang enerhiya na naiwan.
Tama lang, dahil bawal magwalis habang may patay kaya dapat linisin agad ang bahay.
15. Bawal tumingin sa yumao ang buntis.. bago ito ilibing (ilagay sa hukay) - Baka daw maisama sa hukay ang bata na nasa sinapupunan.
Hmmmp. sige na nga. Nakakatakot ito pag hindi sinunod.
16. Magpalipad ng puting lobo sa oras ng libing - Para raw maitaas rin sa langit ang ating mga kahilingan na makapaglakbay ng matiwasay ang ating yumaong mahal sa buhay at makating sya agad sa langit.
Bago ito para sa akin at iilang beses ko pa lang ito nakikita. Naisip ko, baka bagong pakulo ito ng burial plan management. :-)
17. Ihakbang sa ataul lahat ng mga bata - Para huwag daw managinip ng masama at huwag multuhin ng patay.
Pano kapag takot sa patay ang bata? Hindi kaya sila magka trauma?
18. Alisin lahat ng pardible na ginamit sa paglalagay ng pangalan. Iwan ito sa sementeryo. - Para raw malaya at hindi na nakakabit dito sa mundo ang namatay.
Naiuwi ko sa bahay ang lahat ng pardible ng namatay ang aking ama. Biglang nanlaki ang mata ng aking ina ng malaman ito at nagkaroon agad ng ritual sa loob ng aming tahanan. Bata pa ako nuon at hindi ko alam na bawal pala. akala ko souvenir namin. :-)
19. Bawal iuwi sa bahay ang mga pagkaing dinala para sa miryenda ng mga nakipag libing. - Malas daw.
Ang sabi eh pagkain, kaya iniuwi ang sobrang inumin :-). Ipinatapon ng mga matatanda ang inumin ng malaman nila ito bago pa maipasok muli sa bahay. Sayang.
20. Bawal dumiretso sa sariling bahay ang mga nakiramay - Para raw mailigaw ang mga multo na sumusunod.
Nasa Maynila na ako ng malaman ko ito dahil sa probinsya namin eh diretso uwi kami. Wala naman kaming nakita na sumunod na multo . :-).
21. Dapat maghanda ng maligamgan na tubig na may dahon ng bayabas na harapan ng bahay ng namatayan. Dito maghuhugas ng kamay ang mga tao na sumama sa libing. - Para raw matanggal ang mga malas.
Dalawang beses pa lang ako na nakakakita nito dahil hindi ito ginagawa sa aming probinsya kaya sa tingin ko, ilang lugar lang ang gumagawa nito.
Minsan natatawa na lang tayo sa mga pamahiing ito lalo na kung iisipin natin kung ano ang tunay na katuturan at kung ano ang saysay bakit natin ito ginagawa, pero sabi nga nila wala namang masama kung gagawin mo, basta ang mahalaga ay ligtas ang lahat.